11:59 (a short story)

11:59

Sinulat ni: Danielle Verzosa

Manghihinayang ka ba? Kung sakaling mawala siya, manghihinayang ka ba? Minsan hindi ipinagkakait ang oras at ang pagkakataon para magawa mo ang nararapat. Minsan, hinihintay ka na lang kumilos at gumawa ng paraan para ipaglaban mo ang importante sayo.

11:59 na ng gabi sa aking relo. Isang minuto na lang…

Narkos nga pala ang palayaw ko, galing sa pangalan kong Narcissus. Labing-tatlong taong gulang ako noon noong naaksidente ako at nabulag. Laking pasasalamat ko sa Diyos dahil hanggang ngayon ay buhay pa ako. Sa dinami-rami ng mga pagsubok na hinarap ko, tila hindi ko na kayang magkunwari pa sa aking tunay na nararamdaman. Ilang beses na akong nasaktan, at ngayon ay pinanghihinaan na ako ng loob para magpatuloy pa. Tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, siya ang lagi kong nakikita, wala ng iba.

Si Ellie ang unang babaeng nakita ko pagkatapos akong mabigyan ng pagkakataong makakita ulit. Kapwa pasyente rin siya sa parehong ospital kung saan ako inopera sa mata. Natatangi ang kanyang kabutihan kung kaya’t lalong nangingibabaw ang kanyang kagandahan. Hindi maikakaila na tuluyan na akong nahulog sa kanya.

“Miss, tabi!!!” pasigaw kong sinabi kay Ellie dahil kaunti na lang ay mabubunggo na siya ng nagmamadaling nars. Tila wala siya sa kanyang sarili kaya hindi niya napapansin ang mga nasa paligid niya. Noong nakalagpas na ang nars, nilapitan ko siya.

“Kuya, salamat ha?” sabi ni Ellie sa akin habang hinawakan niya ako. Sa sandaling iyon, naramdaman ko agad ang init na dumadaloy sa kanyang kamay.

“Ha?” napatulala na lamang ako sa kanya habang nakatingin siya sa akin. Noong inalis niya ang kanyang kamay, saka lang ako nakabalik sa aking sarili.

“Kuya, parang ikaw pa ang muntikang mabangga kaysa sa akin. Okay ka lang ba?” natatawa na lamang sa akin si Ellie.

“Oo, pasensya ka na. Kung hindi mo mamasamain, nagulat lang kasi ako sayo noong hinawakan mo ako, ang init kasi ng kamay mo.”

Simula noon, lagi na kaming nagkekwentuhan. Kahit hanggang sa lumabas na kami ng ospital, naging mas matibay ang aming relasyon bilang magkaibigan. Kahit may sarili kaming buhay, hindi nawawala ang komunikasyon namin sa isa’t isa. Naaalala ko noong minsan na sinorpresa ko siya sa kalagitnaan ng kanyang trabaho at dinalahan siya ng niluto kong tanghalian. Sa mga simpleng bagay na ginagawa ko para sa kanya, nagiging masaya na ako.

Lumipas ang ilang buwan, natutunan ko na siyang mahalin. Masarap siyang kausap, masaya siyang kasama. Ngunit dahil natatakot akong mawala ang relasyon namin ngayon, mas minabuti ko pang itago ang nararamdaman ko. Kahit handa kong gawin ang lahat para sa kanya, kahit magmukha man akong martyr sa isang nobela, hindi ko isasakripisyo ang meron kami ngayon para lamang sa hinahangad kong pagbabago.

Isang gabi bago ang aking kaarawan, tumawag si Ellie sa akin.

“Narkos, pwede ba tayong magkita? Alam kong hating-gabi na pero may kailangan akong sabihin sayo. Sunduin mo naman ako dito sa bahay tapos diretsyo tayo sa dating tambayan.” malungkot na sinabi ni Ellie.

“Umiiyak ka ba? Bakit ganyan ang boses mo?” nag-aalala kong tinanong si Ellie.

“Hindi, gawa lang ito ng sipon. Hihintayin kita ha?”

“Oo. Diyan ka lang. Papunta na ako.”

Binaba ko ang telepono at sumakay sa aking bagong biling kotse. Habang ako’y nagmamaneho, paulit-ulit na inaalala ko ang lahat ng sinabi ni Ellie sa akin kanina. Parang may mali eh, parang hindi tama. Kinakabahan na ako sa gustong sabihin ni Ellie. Ano kaya iyon at hindi na makapaghintay para ipagpabukas na lamang?

Dali-daling sumakay si Ellie sa kotse noong pumarada ako saglit sa harapan ng kanilang bahay. Ibang-iba ang itsura niya ngayon sa naging boses niya kanina sa telepono. Dumeretsyo na kami papunta sa dating tambayan. Habang nagmamaneho ako kumakanta si Ellie, kinakantahan ata ako.

“I’ll never go far away from you. Even the sky will tell you that I need you so, for this is all I know, I’ll never go…”

Mala-anghel ang boses ni Ellie, hindi maikakaila na kinilabutan ako habang kumakanta siya. Napalingon ako sa kanya noong napansin ko na tumutulo na pala ang mga luha niya sa mata.

11:59 na ng gabi sa aking relo. Isang minuto na lang at kaarawan ko na. Noong sandaling iyon, bumagal ang takbo ng oras. Hindi ko namalayan na may paparating na dyip sa aking harapan. Hindi ko na nakontrolado pa ang manibela kahit na pilitin ko mang umiwas. Humarang si Ellie sa harap ko, tinakluban ang aking mga mata at hinalikan ang aking mga labi.

“Mahal Kita!” ito ang unang pagkakataong narinig ko ito mula kay Ellie. Pagkatapos noon, dahan-dahang nawalan na ako ng malay.

Nakapalibot sa akin ang mga makukulay na lobong may nakalagay na ‘Happy Birthday Narcissus!’ May benda palang nakapalibot sa ulo ko kaya sobrang sakit nito. Habang pinagmamasdan ko ang mga lobo, unti-unting nanumbalik ang alaala ko. Nasaan si Ellie?

“Ellie?” isang beses ko pa lang binabanggit ang pangalan niya, napaiyak na ako. Tila binuhusan ako ng nagyeyelong tubig noong naalala ko lahat ang nangyari. Sa tanang buhay ko, ngayon pa lang ganito kabilis tumibok ang aking puso. Nanghihina na ako.

Para mabuhay ako, humarang si Ellie sa aking harapan at prinotektahan niya ang aking mga mata. Sabi nila, may naghihintay sa aking ‘birthday party’ sa aming dating tambayan at si Ellie ang nagplano nito. Isang masayang ‘celebration’ sana ang pupuntahan namin na nauwi sa isang masamang bangungot.

Bakit ngayon pa? Sa tinagal-tagal naming magkasama, ni hindi ko manlang nasabi sa kanya kung gaano siya kaimportante sa buhay ko, kung gaano niya ako napapasaya sa tuwing nawawalan na ako ng dahilan para mabuhay pa. Nasayang ang mga pagkakataon na sana naamin ko sa kanyang mahal na mahal ko siya. Ang natatanging taong may alam ng kahinaan ko ang siyang nagpapahina sa akin ngayon. Sana noon pa lang sinabi ko na sa kanya na hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko. Pero, kahit na gaano kasakit ang pag-iwan niya sa akin, nagpapasalamat pa rin ako sa kanya dahil binago niya ang buhay ko. Hindi ko siya malilimutan lalo na’t ‘birthday’ ko ang ‘death anniversary’ niya.

Hindi ko na kayang ibalik ang nakaraan, kaya naman umaasa akong makita ko siya, mayakap at mahagkan kahit hanggang sa panaginip na lamang.

-wakas-

Title: 11:59

Written by: Danielle Verzosa

Published Date: January 2013

Published by: Alpha & Omega – Alab, Literary Folio

(Sacred Heart College, Lucena City)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s